sa loob ng dalawang araw

Posted a year ago ldr, writings

Dalawang araw akong walang pasok. Hindi gigising ng maaga, hindi poproblemahin kung anung susuotin o babauning pagkain. Dalawang araw na pahinga. Marami akong planong gawin sa dalawang araw na iyon. Lalo na kung kasama kita.

Pwede tayong tumambay sa mall at magpalamig. Maglakad-lakad at saka maghahanap ng makakainan kapag dinatnan ng gutom. Pwede mo rin akong ayaing manood ng sine kung may trip tayong panoorin. Wag lang ung horror o suspense dahil alam mo namang matatakutin ako. Kung walang magandang palabas, pwede tayong magintay ng bakanteng room sa Time Zone at kumanta maghapon. Magco-concert tayo, vi-videohan kita habang kumakanta at ipopost sa youtube. Malay natin baka madiscover ka pa. Kakain tayo ng gabihan sa KFC bago umuwi at ihahatid mo ako sa bahay. Iintayin kitang makauwi bago tayo matutulog ng sabay. Unang araw pa lang yan, may isang araw pa na makakasama kita.

Dahil napagod tayong magmall, pwedeng tumambay na lang tayo sa bahay ngayon. Magluluto ako ng pancit canton at magdadala ka ng ube cake. Kakain tayo habang nanonood ng pekeng DVD ng mga koreanovela na gusto mo. Pagkatapos manood ay magkukwentuhan lang tayo — mga plano, mga bagay na hindi pa natin alam sa isa’t isa. Walang humpay na kwentuhan, habang nakadantay ako sa iyong balikat at hawak mo ang aking mga kamay. Hindi tayo mauubusan ng kwento dahil gusto kong malaman ang lahat ng tungkol sa’yo. Kakantahan mo ako, at sasabihing mas magaling kang kumanta kesa kay Coco Martin. Kikiligin ako’t hahalikan kita. Pareho man nating ayaw matapos ang araw, wala naman tayong magagawa.

Dalawang araw akong walang pasok, dalawang araw ang pahinga. Hindi man natin magagawa ang lahat ng ito, may dalawang araw naman ako para makausap ka. Pwedeng magpuyat, manood ng pelikula ng sabay at magkulitan sa harap ng webcam. Pwede din na sabay tayong kumain at kunwaring susubuan kita. Baka makagawa pa tayo ng podcast o makapagrecord ng kanta. Sa loob ng halos apatnapu’t walong oras, kahit na malayo ako sa’yo, marami tayong pwedeng gawin. Magiging sulit pa din ang dalawang araw ko.

40 minutes

Posted a year ago inlove, ldr

Naputol ang tawag, di ko na natapos ang sasabihin ko. Apatnapung minuto din ang itinagal. Hindi man ito katulad ng mga paguusap natin, na tayo mismo ang nagsasabi kung kelan matatapos ang tawag, pero sapat na ito sa ngayon. Hindi ka makausap ng mga tao dyan sa inyo, pinaalis ko din ang kapatid kong nagpapatugtog dito sa kwarto. Kailangang sulitin ang bawat sandali na kausap kita ngayon.

Tatlong araw ko nang hindi naririnig ang boses mo. Tatlong araw nang hindi mo ako nagigising. Sobrang spoiled na nga ata ako sa’yo, ayokong bumangon hangga’t hindi ko naririnig ang tunog ng telepono ko. Tatlong araw ko na din na hindi ka nakikita sa webcam. Wala akong ganang maginternet nitong mga nakaraang araw dahil wala din naman akong gagawin. Heto nga’t nagkakapanahon pa akong magupdate ng blog. Iba talaga kapag wala ka. Kulang. Sobrang kulang.

Narinig kong muli ang iyong boses kani-kanina lang. Habang nagriring ang telepono, bago mo ito sagutin, hindi na mapawi ang ngiti ko sa aking labi. Apatnapung minuto lang tumagal ang tawag, pero sapat na un para mapunan ang pagkamiss ko sa’yo. Salamat sa Skype, muli kitang nakausap at nakwentuhan. Mabuti na lamang at malinaw ang linya. Parang gusto kong humiga at ipikit ang aking mga mata habang kausap kita. Para kahit lamang sa loob ng apatnapung minuto’y maramdaman ko na kasama kita. Hay, bakit kasi sobrang kang nagpapamiss. Hehe.

Wala pang isang oras ang tawag, pero masaya na ako. Marinig ko lamang ang kwento mo’y parang kasama na kita ulit. Sana lang magkainternet ka na kagad diba. Para magising mo na ako, para di na kita masyadong mamiss. Ung tamang miss lang. Hehe. Pero kung hindi pa man maayos yan kagad, pwedeng-pwede naman kitang tawagan ulit.

Frame

Posted almost 2 years ago ldr

Ilang beses na nabagsak ‘tong frame pero buo pa rin. Matibay kasi :) – arvn

Wala namang perpektong relasyon. Darating at darating ang panahon na magtatalo kayo kahit na napakababaw lang naman. May pagkakataon na hindi talaga kayo magkakasundo kahit na ilang beses nyo nang pinagusapan ang tungkol sa isang bagay. Sabi nga ng kapatid ko, “Everything’s an argument”. Hindi yan mapipigilan, pero pwede namang madaan sa maayos na paguusap.

Mahirap mang aminin, madali akong maasar. Madaling uminit ang ulo. Buti na lang, hindi ganun si Arvin. Mabuti na lang mas mahaba ang pasensya nya kesa sa akin kaya heto, kami pa rin. Hehe. Madalas kasi ay tama si Arvin at nahihirapan akong tanggapin na mali ako. Pero in the end, nagsosorry din naman ako sa kanya kung kasalanan ko naman talaga. Sya rin naman ay ganun. Importante ang paguusap sa isang relasyon. Basta maging mahinahon lang at maging open sa mga sasabihin ng isa’t-isa. In the end, kayong dalawa din naman kasi ang makikinabang. Kayong dalawa na nasa relasyon.

Ilang beses na din kaming nagtalo ni Arvin, katulad nung frame na ilang beses na ding nabagsak. Pero matibay kaming pareho at pinipilit naming magkaayos. Hindi lumilipas ang isang araw na magkagalit kami. Ang sama kaya sa pakiramdam ng ganun. Wala akong ibang magawa kundi magisip. At syempre, hindi din nakatulong na ilang milya ang layo namin sa isa’t-isa. Mahirap oo, pero in the end, sa tuwing naaalala ko ung mga ginawa namin na magkasama at ung mga plano namin, natatabunan ng mga bagay na iyon ang tampo at pagkaasar na nararamdaman ko. Hindi pa din pumapalya, lagi pa din nya akong napapangiti.

Wala akong pasok ngayon, sa wakas, dayoff. Iintayin ko si Arvin na makauwi sa bahay galing eskwela. Masyado lang siguro akong pagod at moody nitong mga nakaraang araw kaya ko sya nasusungitan. Hehe. Gusto kong bumawi sa kanya.

ano nga bang wish ko?

Posted almost 2 years ago ldr

Halos isang araw din akong hindi nakapaginternet, kaya naman uber backread ang ginawa ko ngayon sa tumblr. Walang masyadong nagbago sa tumblr, ganun pa din ang mga napopost — videos, mga quotes at litrato ng mga teenager na mahilig kay Hello Kitty. Hindi ko na maalala kung anong page na ang nababackread ko nang bumungad sa akin ang post na ito ni Ramon Bautista.

Ano ang wish mo na nakaready kung sakaling may nakita kang shooting star? Binasa ko ang tanong ng ilang ulit. Kung totoo ngang may shooting star eh malaman nakadaan na ito pero hindi pa din ako nakakaisip ng iwi-wish. Hanggang ngayong ginagawa ko ang entry ko, hindi ko pa din alam kung ano nga ba ang hihilingin ko ng mga oras na ‘yon. Kaya yan na lamang ang naisagot ko, siguro’y sobrang matutuwa at maaaliw ako sa pagkakakita ko sa shooting star kaya hindi na ako makakapagwish.

Hindi ko naisip na hilingin na makasama ka, dahil kahit naman walang shooting star, un ang lagi kong dasal sa bawat araw na hindi kita kasama. Alam ko na mangyayari din ang panahon na un. :)

Ikaw, anung hihilingin mo?

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
Images by desEXign.