LP: Hello, Hello Kitty

Posted a year ago Litratong Pinoy

Kung tatanungin ako kung ano ang paboritong laruan ko, Hello Kitty ang agad-agad na isasagot ko. Kwento kasi ng nanay ko, mula daw pagkabata, meron na akong manika na Hello Kitty. Hindi daw ako makatulog hanggat hindi ko yakap ang manika ko. Kahit na daw natanggal na ung pulang ribbon, hinahanap-hanap ko daw ito at umiiyak ako kapag di ko makita. Literal na naadik ako kay Hello Kitty nung bata pa lang ako. Hehe.

Mga twenty years na ang lumipas, hindi pa rin nawawala ang pagkahilig ko sa Hello Kitty. Mula lunchbox, relos, keychain at cellphone charm, Hello Kitty. Hindi na bago sa akin na papasok ako ng trabaho na dala ang lunchbox ko’t suot ang Hello Kitty na relos. Minsan na din akong nasabihan na kamukha ko na daw si Hello Kitty. Hehe.

Sayang nga lang at hindi pa ako nakakabili ng stuff toy. Ang gusto ko kasi eh ung katulad nung Hello Kitty na meron ako noon, pero masyado nang modern si HK, paiba-iba na itsura nya. Pero baka sa susunod na sweldo, bumili na ako. ^^,

Ito ay ang aking entry para sa ika-133 na linggo ng Litratong Pinoy na may temang Paboritong Laruan. Katulad nga ng sabi ni Arvin, baka di magtagal eh mafeature na din ako sa Rated K dahil sa Hello Kitty collection ko. Well, onti pa yan, bibili pa ako ng mas madami pa. :D

LP: Dear Diary

Posted a year ago Litratong Pinoy


Mula 2000 hanggang ngayon, nagsusulat ako sa aking diary. Walang palya, araw-araw. Duon ko naisusulat ang lahat ng aking nararamdaman at saloobin. Madalas eh ung mga hindi ko nailalagay dito sa blog. Saksi ang diary ko sa pagkakilig ko sa bagong crush, pagiyak dahil broken hearted o kaya’y kapag dumarating ang panahon na wala ako sa mood makipagusap sa mga tao. Kung ano man ang maisulat ko sa aking diary ay pribado at walang ibang dapat makabasa. Maliban na lang kung pahintulutan kita. :)

Ito ay ang aking entry para sa ika-121 na linggo ng Litratong Pinoy na may temang Pribado (Private). Paminsan-minsan, lalo na kapag wala akong magawa, binabasa ko ung mga diary ko. Natatawa na lang ako sa mga pinagsususulat ko noon. Madami na din palang nangyari sa buhay ko na masarap balik-balikan.

PS.

Monthsary namin ni Arvin ngayon. :D

Happy Monthsary mahal. :)

LP: Jeepney Love Story

Posted a year ago Litratong Pinoy

Sa tuwing uuwi ako ng Pinas, isa sa mga excited akong gawin maliban sa pagkain ng Palabok Special sa Jollibee ay ang makasakay ng jeepney. Okay lang sa akin ang makalanghap ng polusyon, maipit sa napakahabang trapiko at makipagsiksikan sa jeepney na pangsampuan lamang pero pinagkakasya ang bente sa loob, basta makasakay ako ng jeep. Kung dati rati’y hindi ko pinapansin ang mga nagpapaabot ng bayad, ngayo’y ako pa itong bibong batang aabutin ang bayad at magiliw na sasabihing “Ma,bayad daw po”. At sa aking pagbaba ay ninanamnam ko ang bawat sandali na ako’y nasa loob ng jeepney. Tama nga sila, kung ano ung bagay na hindi mo na karaniwang ginagawa ay saka mo ito pinapahalagahan. Gusto ko na tuloy magsimula ng Jeepney terminal dito sa San Antonio eh. Kung pwede lang.

Yang ang RYU. Biyaheng Parang, Marikina – Stop & Shop na madalas kong sakyan papasok ng PUP. Patok ang tawag sa mga ganyang klase ng jeepney. Makulay ang labas at loob, maingay ang patugtog na ang madalas patugtugin ay mga remixes ng mga usong kanta. Yan din ang mga klase ng jeepney na tinawag naming “Biyaheng Langit”, dahil sa sobrang bilis ng patakbo nito’y ang normal na isang oras na biyahe ay kaya nito sa loob ng tatlumpung minuto – kasama na ang trapik dyan. Biyaheng Langit dahil kailangan mo ding kumapit ng mabuti dahil para kang nasa roller coaster at hindi mo alam kung mabubuhay ka pa bago makababa ng jeepney. Minsan na akong nakasakay sa ganung klase ng patok. Bumaba na ako ng Cubao dahil mahal ko pa ang buhay ko.

Jeepney. Pampublikong sasakyan na Only in the Philippines. Kelan nga kaya ako makakasakay muli ng jeepney?

Ito ay ang aking entry para sa ika-120 na linggo ng Litratong Pinoy na may temang Publiko (Public). Ang litratong ito ay kuha noong March 2010, nung umuwi ako ng Pilipinas. Nasa loob ako ng taxi nang makita ko ang RYU. Hindi na ako nakapagjeep ng araw na iton dahil late na ako sa usapan namin. Ngayo’y iniisip ko, buti na lamang at nagtaxi ako. ^^

LP: Gusto

Posted a year ago Litratong Pinoy

Gusto kong marinig ang boses mo
Gusto kong halikan ang labi mo
Gusto kitang yakapin hanggang umaga
Gusto kong marinig ang buhay mo
Gusto kong halikan ang puso mo
Gusto kitang kasama hanggang may umaga

Ikaw ang gusto ko. :)

Ito ay ang aking entry para sa ika-116 na linggo ng Litratong Pinoy na may temang Gusto/Ginusto. Wala na naman kasi akong ibang gusto pa kundi ang makasama si Arvin. :)

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
Images by desEXign.