Misa.
Minsan naiisip ko na sa aking pagtanda’y paano na ang mga alaala. Mga alaala ng nakalipas na kahit, isa, dalawa, lima, o higit pa sa sampung taon ang nagdaan ay nananatili pa rin sa isipan. At kahit gaano pa kasimpleng bagay ay hindi mo naman nakakalimutan at kung ‘di man nananatili sa kanyang kabuuan ay naaaninag mo pa rin at nalilikha ang pira-pirasong parte ng isang pangyayaring parang isang pilas na lumang larawan.
Hindi ako luluhod…
Sinabi ko na kagad kahit alam kong hindi ko naman mababago ang isip niya.
Magkatabi kaming nakatayo sa may likod ng simbahan ng San Martin de Porres. Puno na kasi ang mga upuan, o hindi lang talaga kami naghanap pa ng mauupuan dahil malamang ay mayroon sa may bandang harapan nitong matanda, malaki, at mahabang simbahan. Siguro ay dahil komportable na kami na magkasama o ako lang siguro ang nag-iisip ng ganun.
Linggo ng umaga noon, dahil minsan kada isa o dalawang buwan ay inaatasan kaming mga estudyante ng aming paaralan na dumalo sa banal na misa sa bayan. Iba-ibang eskwelahan naman kasi kada linggo. Oo nga pala, kelangan ay nakauniporme kaya kanina nung dumating kami dito’y nasabi ko kagad na,
Tayo ba talaga ngayon? Ba’t parang alang pumunta…
Ako, siya, at isa pa naming kaibigan. Walang ibang estudyante o kahit guro man lang.
Ngayon habang isinusulat ko ito’y hindi ko na maalala ang mga sinabi niya, kung meron man. Ang litratong nabubuo lang sa aking isipan ay kaming dalawa, nakatayo at magkatabi sa likod ng simbahan. Walang imik at ang maririnig mo lang ay ang boses ng pari na umaalingawngaw sa kahabaan nitong lumang simbahan.






