Memoirs: Horoscope
Mulat na mulat ang iyong isipan sa katotohanang walang kahihinatnan ang iyong kasalukuyang pakikipagrelasyon pero sarado ang puso mo sa pagbabago. Kelan ka ba gigising?
Yan na ata ang naging senyales ko para itigil na, para magbago.
Hindi ko alam kung anung pumasok sa utak ko’t nakipagrelasyon ako sa kanya. Isa syang malapit na kaibigan. Mayroon syang reputasyon — babaero’t manloloko. Pero pinatulan ko pa rin, hinayaan kong sumali sa laro nya, kinilig ako’t nagustuhan ko rin ang naging “set-up” namin.
Isang ordinaryong araw iyon, ang pagkakatanda ko’y nagagahol na ang lahat sa pagpapasa ng thesis. Hindi na tayo magkaklase pero sa di inaasahang pagkakataon, nandun din sa labas ng laboratory ang section nyo. At syempre nagkita tayo. Muling bumalik sa akin ang nangyari noong isang araw, nung magkasabay tayo papasok sa eskwela. Nakasabit ka sa jeep, andun naman ako nakapwesto sa pinakadulo, ung upuan sa tapat ng babaan. Nagusap tayo. Kinamusta mo ako. Ang simpleng kumustahan ay nauwi sa pagsasabi mo na ako’y iyong namiss. Hindi ko alam kung seseryosohin ko ba ang iyong sinabi o dadaanin ko lang din sa biro at sasabihing namiss din kita. Nagpaalam ka’t sinabi mong bababa ka na dahil maga-apply ka ng trabaho. Sabi mo pa’y kita na lang tayo mamaya, sabay halik sa aking pisngi bago ka bumaba.
Nilapitan mo ako at sa harap ng mga kaibigan ko’y hinalikan mo ako sa aking pisngi. Hindi kita pinigilan, hindi kita tinanong kung bakit. Hinayaan lang kita, nagusap tayo habang tinititigan tayo ng mga kaibigan kong alam kong gusto na akong kaladkarin paalis sa laboratory, papalayo sa’yo. Kaswal kang nagpaalam sa akin, sa amin at pumunta na sa mga kaklase mo. Ramdam ko ang paiinit na tingin sa akin ng aking mga kaibigan pero di ko ito pinansin. Hindi ko tinanggal ang pagkakatingin ko sa’yo at sa babaeng kausap mo na ngayon.
May girlfriend ka nga pala. At hindi ako un. Yumuko na lamang ako’t nagisip-isip kung bakit ko kailangang gawin un. Bakit kailangang sumali ako sa laro mo. Nadala ako sa mga pambobola mo’t binigyan ko ng ibang kahulugan ang pagiging close natin sa isa’t-isa. Mali ito. Maling-mali.
Nabasa ko ang horoscope, kaparehong araw matapos ang insidenteng iyon. Madalas ay hindi ako naniniwala sa horoscope, pero ng araw na iyon, ramdam ko na para sa akin iyon, pinapatamaan ako. Kelan nga ba ako magigising? Salamat sa horoscope ko.
Ito ang unang entry ko para sa aking Memoir. November 17, 2003 — nagising ako sa katotohanang hindi naman magiging kami. Ok na rin, hindi ko na rin naman pinangarap na maging third party lang. Magkaibigan pa rin kami nung lalake, nakakausap ko pa sya paminsan-minsan. At may chance na mabasa pa nya ito. Hehe.




