kundiman

karmi. komski. parehong 20-something. frustrated writer. rockstar wannabe. madrama. naruto fanatic. mahilig kumanta. cam-whore. charmed addict. loves twitter. writer kuno. isip-bata. idol si BO. mastermind ng komski quotebox. makulit. computer geeks. pero mas geek pa din si komski. mababaw ang kaligayahan. 14.

Chat with: karmi | komski | komski
*plugoo chat (opens in new window)

  • cHeRrY mAe: Maitanong lang. Sa prizes epek na 1 year domain name, ibig sabihin ba nun, after 1 year, tsugi na ang...
  • churvah: ay kumain po ako nyan,hahaha! at sakto rin ako sa tulog ng araw na nag comment ako. hahaha!wag na...
  • Aira Bongco: Wow cute contest. Very nice idea. May questions po ako. Kailangan po ba matagal na yung blog? And also,...
  • enday: waaah… haba ng mechanics.. gusto kong sumali… haha.. hanap nga ako ng problema para madrama...
  • LJ: parang masaya ito! at parang ang galing mo ring mag-market :)) EMO nga ‘tas masaya hahaha. Pero oo, masaya...
  • jeniffer: ang sweet.. malayo man.. mararating din.. parang globe lang.. piniktyur pa talaga hehehe.. :) adik nga raw...

Subscribe to my feed




Hindi ko alam kung bakit kita iniisip, gayong hindi naman kita kilala. Bakit paggising ko kahapo’y naging laman ka kaagad ng aking isipan gayong ang nalalaman ko lang ay ang iyong pangalan? Pangalang hindi ko man lang alam kung tunay, ngunit, ito’y sa iyo’y aking naiuugnay.

Hindi ako sigurado kung bakit ako nangangarap ng isang araw na kasama ka, gayong hindi man lang kita kakilala. Bakit ko iniisip ang mga lugar na pwede nating mapuntahang dalawa? Bakit ako nangingiti sa tuwing nakikinita ko ang sayang idudulot sa akin ng mukha mong nakatawa? Isang mukhang kahit hindi ko pa nasisilaya’y sigurado akong kaaya-aya.

Hindi ko alam kung bakit ako nakararamdam nang ganito, gayong hindi kita kilala. Bakit ako nalulungkot sa iyong pagkawala, gayong, nung una pa lamang ay wala ka na talaga?

Hindi ko alam kung bakit kita iniisip, pinapangarap, sinisinta, gayong hindi naman kita kilala. Bakit ako nagkakaganito, gayong wala naman akong nalalaman sa iyong mahalaga? Pero ano ba talaga ang dapat na aking ipinagtataka, ang lahat ng mga bagay na sa aki’y iyong ipinadarama gayong hindi naman kita kilala?

O kung bakit hindi kita kakilala?

Halos walang tao sa loob ng silid-aralan, wala naman kasing klase. Hindi dahil sa recess o lunch, kundi dahil may kung anong yearly activity [na hindi ko na maalala kung ano talaga]. Kakagaling ko lang ‘ata nun sa paggawa sa arts club at ngayo’y nagpapahinga lang bago muling bumalik sa tinatrabahong props.

Huwag ka malikot, sandali na lang..

Hawak niya ang aking kaliwang kamay, palad sa palad, at gamit ang isang lotus black ballpen ay binigyan niya ako ng kauna-unahan kong temporary tattoo. Ilang minuto na rin ang nakalipas nung siya’y nagsimula at sa panahong yao’y kahit kaunti’y hindi ko naramdaman ang sakit ng ball-point tip ng ballpen na tumatama sa buto ng aking kamay, sa likod ng palad.

Ano ba yang nilalagay mo?
Basta.. wait lang.. konti pa..

Nakaupo kami sa pangalawang row sa tabi ng mga bintana nung hapong yaon at hindi ko alam kung anong mga bagay ang pinag-usapan namin at nahantong siya sa paggamit ng aking balat bilang canvass sa kanyang pagdodrowing, isang bagay na kinahihiligan niyang lubos. Sanay na ako sa kanyang mga kakaibang mga ideya at isa yata yun sa mga ito.

Naalala kong minsang biniro ko siya’t sinabi kong nagpatato ako sa aking likuran ng isang kulay itim na dragon. At nung oras na binanggit ko yu’y pinilit niya itong makita, para malaman kung totoo nga. Hahablutin niya ang kwelyo ng aking uniporme, titingkayad ng kaunti at susubukan itong silipin habang ako nama’y sinusubukang pigilan siya upang mapahaba ang aking biro. Pero kahit sabihin ko nang niloloko ko lang siya’y pipilitin pa rin niyang tignan dahil baka sinabi ko lang yun para hindi na siya mangulit.

At kahit nung inulit ko ang parehong biro nang sumunod na araw ay parang noon lang niya unang narinig dahil nangungulit pa rin siyang makita kung meron nga.

Ang tagal naman..
Matatapos na, sandali na lang.

Kapag kasama ko siya’y parang walang hanggan, na tila hindi mahalaga ang kinabukasan. Walang problema, alalahanin at kalungkutan. Na tila bagang kaming dalawa lang ang naninirahan sa mundong ginagalawan, walang pumupuna, sumasagabal, nakikialam.

Ang oras na aming pinagsasaluhan ay humihiwalay sa kapaligiran, sa oras na umaalipin sa karamihan. Magkasama kaming dalawa, at tanging kami lang.

Kay sarap niyang pagmasdan. Ang kanyang mga matang higit pa sa kahit na anong makinang na dyamante. Ang malago niyang buhok na sumasayaw sa bawat pag-ihip ng hangin. Ang kanyang mga kutis na sa mga fairytales lang nailalarawan. Ang ngiti niyang animo’y sikat ng araw sa umagang nababalutan ng hamog. Habang nasa tabi niya’y parang wala na akong ibang bagay na nanaisin pa.

Sinubukan kong ilapat ang aking mga daliri sa kanyang mga kamay, ngunit sa ginawa kong yu’y nakatanggap lang ako ng mahinang tapik mula kanya, na nagsasabing “huwag”, sabay kunot ng kanyang noo’t salubong ng kanyang mga kilay.

Ito ang una’t huling pagkakataon na nahawakan ko ang kanyang kamay, na naramdaman ko ang aking mga daliri sa kanyang balat. Isang pagkakataong hinding-hindi ko kailanman malilimutan.

Ano, ok na?
Ayan, tignan mo, bilis..

Hindi ko man ninais ay naghiwalay ang aming mga kamay sa pagkakahawak sa isa’t-isa. Tinignan ko ang kanyang gawang pinaghirapan sa loob ng iilang minuto. Iginuhit niya sa likod ng aking palad sa kaliwang kamay ang paborito niyang hayop, isang cute na cute na kuneho.

Hanggang kinabukasan ay hindi ko sinabon ang parteng yun ng aking kamay. Kahit napansin na ng lahat, ng aking mga magulang, kapatid, kaklase at kahit na rin pinagtitinginan na ng mga nakasabay ko sa dyip, sa service car at lahat ng taong hindi alam ang istorya sa likod nitong drowing. Ngunit kahit anong ingat ay nabura pa rin ito, bago pa man matapos ang sumunod na araw.

Kahit na anong bagay ay katulad pa rin ng kunehong iginuhit mo, kumukupas, nabubura, naglalaho. May mga bagay talaga na kahit gawin mo na ang lahat ng alam mong paraan upang manatili ay hindi pa rin mapipigilan na mawala at lumipas, dahil ang mga bagay sa mundo, kagaya ng mga inilalahad ko ngayo’y pansamantala lamang at hindi panghabambuhay. Ngunit sadyang kontra talaga ako sa lahat ng bagay

dahil naging permanente ka na talaga sa aking puso.

April 2nd, 2007 | Uncategorized

ang misteryong bumabalot sa iyo’y
nakadaragdag sa iyong kagandahan,
sa pananabik sa mukha mong
walang anumang kasiguraduhan.

ang itsurang hindi mabatid ninuman
ay tanging sa panaginip pinupunan.

sa lahat ng aking mga katanugan,
sino, saan, paano, kailan?
ilaan mo sana ang kasagutan
dahil sa aking mga pinapangarap,
ikaw ang siyang lubos na katuparan.

ang mga mata mong hindi nasisilayan
ay nagniningning rin bang parang
mga tala sa kalangitan?

ang boses mong hindi napakikinggan
siguro’y parang pagtawag ng kanyang ina
sa isang anak na naliligaw.

na marinig lang ang pagsambit mo
sa aking pangalan,
lahat ng aking kinakatakutan
nawawala, naglalaho, lumilisan.

haplos mo ba’y yakap sa kalungkutan?
ngiti ba’y liwanag sa kadiliman?
halik mo ba’y kasing sarap ng tubig
sa katawang bilad na naaarawan?

maisasalba mo ba ang pusong nalulunod
sa karagatan ng kagandahan mong hatid
sa isang sa ilog lang naranasang lumangoy?

hahayaan mo ba akong tangayin ng iyong alon
at sa iyong kalaliman ako’y malamon?
o magtatampisaw na lamang
sa laan mong dalampasigan na bukana lang
ng tunay na taglay mong kaligayahan?